Sunday, January 8, 2012

kuwentong surf

mag-tatatlong buwan na rin pala simula nang una akong magtungo dito. hindi naman kase sinasadyang dito ako mapapadpad. udyok na rin siguro iyon ng kagustuhan kong maging bihasa sa pagsu-surf.

marami na rin akong napuntahan at nakilalang surfers mula sa La Union, Baler at CamSur. masasabi kong may talento na rin ako pagdating sa surfing kaya naman hindi ako tumigil para humanap ng bagong alon. bagong paglilibangan. at heto na nga, kasama ang aking kaibigang si Mark, nagpunta kami sa Eastern Samar, sa paraiso ng Calicoan.

ang ganda ng sikat ng araw. tamang tama lang sa pagsugod sa alon. alas otso ng umaga. madami dami na ring surfers na nasa pangpang. tulad ko at nang ilan, nagca-camp kami sa dalampasigan gamit ang tent. doon na rin kami nagluluto. may public toilet rin sa di kalayuan.

pagkatapos mag-kape. agad kong isinuot ang aking hindi pa natutuyong rashguard mula sa sampayan at agad nang inabangan ang hampas ng alon habang lumalangoy sa di kalayuan.
sumampa sa board, habang nakahiga ay nagpapaddle ng kamay at braso, hinawakan sa magkabilang gilid ang board at tinulungan ang sarili habang unti-unting tumatayo rito. sakto. andiyan na ang alon.

parang akong isang maliit na langgam na nakasakay sa isang dahong palutang lutang sa hampas ng tubig. pero masaya. iba ang pakiramdam. para bang ako lang ang tao sa mundo.
pagkatapos ng isang makapigil hiningang alon ay nawala ako sa balanse at bigla akong na-wipe out. sa tindi nito, nahirapan akong makalangoy at makaahong muli. buti na lang hindi ko hinayaang maunahan ako ng kaba. hanggang sa makaakyat ako ng marahan sa ibabaw ng tubig at agad nakabawi.

kakaibang experience ika nga. napangiwi na lang ako dahil saka ko naramdaman ang sakit ng aking binti. napahampas pala ng bahagya ang surfboard ko sa akin. pinilit ko na lang lumangoy pabalik sa pangpang.

nagulat na lang ako may sumalubong sa aking babae sa dalampasigan. hindi siya katangkaran pero sa tindig at kulay ng balat nito, mukhang surfer din siya.

sa tatlong buwan kong namamalagi dito parang ngayon ko lang siya nakita.
tinanong niya ako kung okay lang. tumango lang ako. pero mapilit siyang ipagpatuloy ang usapan. kaya wala na akong nagawa kundi tumango.

maya maya lang namalayan ko na lang na narating na namin ang tent. wala pa rin siyang tigil sa katatanong. hindi niya yata napapansin na hindi na ako sumasagot dahil masakit ang binti ko. nakahalata yata ang babae.

tinulungan niya akong dalhin ang board ko at saka ako inalalayang umupo sa folding chair sa labas. pagkatapos, bigla na lang siya umalis.

pagbalik niya may dala na siyang isang tube ng painkillers.

wala naman akong sinasabi pero sinimulan niyang imasahe at ipahid yung ointment sa kaliwa kong binti. baka raw kase may muscle spasm mula sa pagkakahampas ng board. hindi ko naman sinabi na nahampas ako ng board pero alam na niya agad. siguro pinapanood niya ako. bigla naman akong napahiya nang maisip iyon.

habang abala kami ay bigla namang lumabas si Mark mula sa pagkakatulog sa tent. marahil nakarinig ng ingay. nagulat ito kase may bisita kami ng ganoong kaaga. ngumiti lang ito ng malisyoso sa akin at saka umalis. siguro pupunta ng banyo.
naging maayos ang pakiramdam ko pagkatapos hilutin ng babae ang binti ko. nagpasalamat ako at nagpakilala. nagpakilala rin siya sa akin.

Ruth ang pangalan niya.
taga Zambales pala siya. mga tatlong araw pa lang siya sa Calicoan. tulad ko, nandun siya para sa alon.

bagong alon. bagong adventure.
at sa palagay ko madali kaming magkakapalagayan ng loob.

pagkatapos ang kuwentuhan namin tungkol sa surfing, skimboarding at ilang water sports, inaya niya ako sa kanilang camp.

mabuti-buti na ang pakiramdam ng binti ko. hinayaan ko na lang ang surfboard sa may labas ng tent, at sumama na kay Ruth.

narating namin ang camp nila at doon ko nakilala ang ilang surfers na kasama niya. dalawang babae at tatlong lalake. mga kaibigan daw niya at ang ilan naman ay kababata.

kuwentuhan sa saliw ng hawaiian reggae music. doon na rin ako kumain sa camp nila ng tanghalian. yung isang surfer na si James  ay nag ihaw ng isda sa labas habang ang ilang babae ay nagluto ng kanin.

nakakarelax, hindi ko namalayan na iniwan ko nga pala si Mark sa tent namin.

lampas na ng tanghali nung umalis ako sa camp nina Ruth. pagbalik ko sa tent namin nakita ko si Mark, abala sa laptop niya, nanunuod ng ilang surfing videos sa YouTube.

para sa akin iba pa rin kapag naranasan mo yung aktuwal na galaw. pero may punto rin si Mark, gusto niya matutunan ang ilang tricks mula sa ilang foreign surfers.
kaya napilitan na lang ako umidlip, tutal makulimlim ang panahon. masarap matulog.
at tulad ng dati surfing pa rin ang nasa panaginip ko....

lumipas ang ilang linggo. halos pare parehong senaryo. nakapalagayan ko na halos lahat ng surfers na kasama ni Ruth maliban kay James na mukhang kimi at tahimik. pero ang masaya dito mas lalo ko nakilala si Ruth. at masarap sa pakiramdam na pareho kami ng pangarap. hindi ang manalo sa mga surfing competition, kundi ang makapagtayo ng sariling surfing school sa Pilipinas nang sa ganun mayroong magtataguyod at aalalay sa mga talento ng Filipino pagdating sa water sports na ito.

iba rin siya sa ilang babaeng nakilala ko. walang kaarte-arte. walang pakialam sa pinakasikat na fashion o gadgets, basta surf lang. napaka simple, napaka natural. alam kung ano ang nais sa buhay.

isang gabi habang nagkaayaan na naman sa camp nila. nagkataon kase na kaarawan ng isang miyembro nila, si Tessa. kaya naman may alak kami ng gabing yun. si Mark, na hindi mahilig sa mga ganitong umpukan ay walang nagawa kundi sumama na rin.
sa una ay masaya ang inuman hanggang sa nagkalasingan na at napansin kong mukhang nagkakairingan na sa kuwentuhan ang ilang surfers.

tumayo ako para umiwas at maglakad lakad na lang sa pangpang.
hindi pa ako nakakalayo, ay naramdaman kong may sumusunod sa akin...
at hindi nga ako nagkamali, si Ruth nga iyon.
nakangiti pa rin siya.

ayoko mag bigay ng kahulugan ngunit nitong nagdaan ay napakainit ng pakikitungo niya sa akin.
bigla na lang siya nagsalita. nalulungkot daw siya sapagkat uuwe na sila ng Zambales sa susunod na linggo at mamimiss niya ako.
halong tuwa at lungkot ang aking nadama sa tinurang niyang iyon.
malungkot dahil mawawala na siya. masaya dahil ngayon nalaman ko na mahalaga pala ako para sa kanya.

bigla akong tumalikod upang itago ang aking emosyon ngunit bigla ko na lang naramdaman na yumakap siya sa aking likuran.
may sinasabi siya. mahina. hindi ko maintindihan dahil malakas ang hampas ng alon sa dagat.
humarap ako at niyakap din si Ruth. nakangiti pa rin siya. hindi ko tuloy mawari kung masaya ba siya o sadyang itinatago lang ang kalungkutan.

gusto ko si Ruth. hindi ko itinatanggi. hindi ko pa nararanasan magmahal ng babae kaya kung anuman ang nararamdaman ko ay hindi ko rin maipaliwanag.
biglang nilubayan ni Ruth ang pagkakayap sa akin. inaya akong umupo sa may dalampasigan. habang nasa ilalim ng mga bituin.

tulad ng dati, nais niya ng kausap.
doon na siya nagsimula magkuwento.
mga problema niya sa buhay. at paanong panapawi ito ng pag susurf niya.
nagulat ako dahil napaka positibo ng aura niya sa panlabas. iyon pala tulad ng normal na tao ay may dinadala din siyang problema. wala naman talagang perpekto ika nga.
nagpasalamat din siya sa akin dahil sa tagal ng pagtigil niya dito ay nagkaroon siya ng kaibigang nakikinig sa kanyang mga pangarap, paniniwala at ngayon nga ay mga problema niya sa buhay.

tikom lang ang mga labi ko. wala naman akong maisip na sabihin sa kanya. tamang pagsang ayon lang ang ibinalik ko.
ikinuwento pa niya na naging malupit sa kanya si James nitong nagdaang panahon. doon ko lang nalaman na naging karelasyon pala niya si James.
humagulgol na si Ruth.
at hinagod ko siya sa likuran.

sa pagitan ng mga hikbi ay isinalaysay niya ang mga pangyayari. at hindi ako makapaniwala na nangyari pala ang ganun sa pagitan nila ng tahimik na si James.
wala naman akong karapatang husgahan yung tao dahil hindi ko naman siya kilala ng lubusan ngunit hindi tamang gawain ng isang lalaki ang saktan ang babae. pinilit ni Ruth kumalas sa nakakasakal na relasyon pero naging matigas ang kalooban ng lalaki.
agad namang nagpa-sorry si Ruth sa mga inasal niya. saka tumawa dahil sa pagdadarama niya. nahihiya siya sa akin dahil sa mga pag-iyak niya.
sabi ko ay okay lang yun. natural lang yun. at natututwa siya at naihinga niya ang mga hinanakit niya sa akin.

magsasalita pa ako ngunit bigla niya akong hinalikan sa labi.
matagal. at sobrang nagulat ako. parang tumigil ang pagtakbo ng oras. napapikit ako sa sandaling akala ko'y wala nang katapusan.
bigla na lang kaming nagulat ni Ruth nang tumambad sa aming harapan si James na kanina pala nandoon at nakasaksi sa lahat ng naganap.
hindi nakapagsalita si Ruth. gulat na gulat din.
wala pang isang iglap ay isang malakas na suntok ang iginawad ni James sa aking panga. sa sobrang lakas ay napatilapon ako bigla. hindi naman kase ako sanay sa mga gawaing ganito. isa pa, hindi ako handa sa mga pangyayari.

babawi pa lang ako ng tayo, ay umatake ulit ang lalaki sa akin. ngayon, sa sikmura naman ako tinamaan. may kalakihan kase si James kaya para lang akong dummy na pinagsasaktan niya.
masakit. pero pinilit kong bumawi ng suntok sa pisngi niya. at nasaktan din siya.
naririnig kong sumisigaw na si Ruth, pinipigilan kami sa pagsusuntukan.
ilang suntok pa at maya-maya naramdaman ko na lang na may kumapit na sa akin.
si Mark. inaawat ako.

nagsidatingan na rin ang ilan pa nilang kasamahan at umawat na rin. samantalang ang mga babae kasama si Tessa ay umalalay sa umiiyak nang si Ruth.
nang tumigil na si James sa pag atake at naawat ng ilang kasamahan ay umalis na sila. 
inihatid ko na lang sila ng tingin dahil lubha rin akong nasaktan.
hindi man lang ako nakapag paalam kay Ruth. hindi ko man lang natanong kung okay siya. kung galit ba siya sa akin. nag aalala ako dahil baka siya naman ang saktan ni James. 
gusto kong bumalik sa camp nila pero pinigilan ako ni Mark. hayaan na muna daw namin lumamig ang ulo ng isa't isa.

ipagpabukas na lang daw muna. mahirap din daw magtiwala agad. hindi mo alam ano puwedeng mangyari.

inalalayan ako ni Mark patungo sa tent namin. may halong pagkukutya. tulad ng dati, nagkatawanan kami. bugbog sarado daw kase ako. sabi ko naman sa kanya, bakit kase hindi siya dumating agad, sana bugbog sarado si James kung nagkataon.
mga problemang idinadaan sa biruan.alam ko namang concerned siya sa akin pero ewan ko pa rin ba bakit natatawa kami sa nangyari.

sa isang anggulo, buti na lang dumating agad ang taga awat kung hindi mas malala siguro lagay ko ngayon. ang inaalala ko na lang ngayon ay si Ruth. kaya kong tiisin lahat ng sakit basta nasa mabuti siyang kalagayan.

bumili si Mark ng yelo sa sari-sari store para daw sa mga pasa ko. inalalayan na rin niya ko para matulog. bago pumikit, ipinalangin kong bukas maging maayos na sana ang lahat.
alas otso ng umaga nagising ako.
may nakahanda nang agahan sa may labas ng tent.
agad akong bumangon at inayos ang sarili. maganda daw ang panahon sabi ni Mark, masarap daw mag surf ngayon. saka ako mabilis na tumalilis patungo sa camp nina Ruth.
laking gulat ko na lang nang maabutang wala na ang camp nila doon. ang dating tumpok ng mga tent ay malinis na ngayon. ang dating ingay, musika at halakhakan ay wala na rin.
nawala nang bahid ng kahapon.

nakakapanlumo.

agad kong tinanong ang nakasalubong kong taga roon kung nasaan na ang grupo ng surfers mula sa Zambales. at sinabi niyang nag pack-up na raw ang mga ito pabalik sa Maynila.
para akong idinikit sa aking kinatatayuan.

magkahalong lungkot, panghihinayang na hindi man lang ako nakapagpaalam o nasabi man lang ang aking nararamdaman para kay Ruth.

tanging hiling ko lang ay sana nasa mabuti siya ngayon. maging masaya at maipagpatuloy ang mga pangarap niya sa buhay.

sobrang nakakapanlumo na sa mismong oras na alam ko na gaano siya kahalaga sa akin higit pa sa anuman ay saka naman siya mawawala.

gusto kong lumuha ngunit sabi nga ni Mark maganda ang panahon ngayon, mas mabuting idaan ko na lang sa alon ang aking kalungkutan...

nang biglang may naramdaman akong tumapik sa aking likuran...
pagharap ko, nakangiti siya, habang bitbit ang surfboard...
 

2 comments: